Перейти к содержимому

pakikipagkapwa tao

Diocese of Kalookan

0:00 / 0:00

pakikipagkapwa tao

490 просмотров · 2 ч назад
Diocese of Kalookan
32,8 тыс. подписчиков
490 просмотров · 2 ч назад
PAKIKIPAGKAPWA-TAO Homiliya para sa Ika-30 Linggo ng Karaniwang Panahon Ika-25 ng Oktubre 2026 Ebanghelyo: Mateo 22:34–40 (See English version below.) May ikukuwento muna ako sa inyo. Nangyari ito maraming taon na ang nakararaan, noong hindi pa ako obispo. Formator at professor pa ako noon sa aming seminaryo sa Pampanga. Doon, mayroon kaming mag-asawang nagtatrabaho noon sa seminaryo. Ang mister ay kusinero at ang misis naman ay labandera. Rose ang pangalan ng misis. Isang hapon, lumabas si Rose para maglaba sa tabi ng poso, sa ilalim ng isang malaking puno ng kaimito. Hindi niya alam na may ilang batang galing sa kalapit na squatters’ area na pumasok sa bakuran at umakyat sa puno para mamitas ng mga hinog na kaimito. Nang marinig ng mga bata na may paparating, dali-dali silang nagsibabaan at nagtakbuhan. Maliban sa isa—iyong pinakamaliit sa kanila. Mukhang hindi pa siya sanay umakyat ng puno. Naiwan siya sa itaas, takot na takot na baka mahuli siya. Walang kamalay-malay si Rose. Inihanda niya ang kanyang mga labahin sa tabi ng poso. Sa kasamaang palad, tuyong sanga pala ang kinakapitan ng batang nasa itaas. Biglang bumigay ito at nabali. Nahulog ang bata sa tabi mismo ng batyang pinaglalabahan ni Rose. Laking gulat ni Rose! Napasigaw siya nang makita ang batang nangingisay sa lupa. Agad niya itong pinulot, kinalong, at patakbong dinala sa labas ng seminaryo. Nakalimutan na tuloy niyang magsuot ng tsinelas. Sumakay siya sa isang tricycle at nagpahatid sa pinakamalapit na ospital. Pagdating sa emergency room, iyak siya nang iyak habang humihingi ng tulong sa mga doktor at nurse. Pero pinaupo muna siya ng isang nurse para kunin ang impormasyon tungkol sa bata. “Mrs., ano po ang pangalan ng bata?” “Hindi ko po alam.” “Ilang taon na siya?” “Hindi ko rin po alam.” “Sino ang mga magulang niya?” “Hindi ko rin po alam.” Nagtaka ang nurse at nagtanong, “Eh, hindi niyo pala kaano-ano ang batang ito. Bakit kanina pa kayo iyak nang iyak diyan?” Parang napahiya si Rose. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili. Huminga siya nang malalim at saka sumagot. “Ma’am, pasensiya na po kayo. Hindi ko talaga kilala ang batang iyan. Nahulog lang siya mula sa puno ng kaimito sa tabi ng aming bahay. Siguro galing siya sa mga bahay sa kabila ng seminaryo. “Pero alam ninyo, Ma’am, mayroon din akong anak na halos kasing-edad ng batang iyan. Nang makita ko siyang nahulog at nangingisay sa lupa, parang anak ko ang nakita ko sa kanya. Naisip ko, paano kung sa anak ko nangyari iyon? Paano kung walang pumulot sa kanya? Kaya hindi ko siya kayang pabayaan.” Di ba ang ganda ng sinabi ni Rose? Ang nakita niya sa batang hindi niya kaano-ano ay hindi ibang bata, kundi ang sarili niyang anak. At iyon ang nagtulak sa kanya para kumilos, para iligtas ito. Sa ating Ebanghelyo ngayon, isang tanong lamang ang itinanong kay Hesus: “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Pero dalawa ang isinagot niya. Una: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, at buong pag-iisip.” At pangalawa: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Ang sabi pa ni Hesus, ang pangalawa ay katulad ng una. Ibig sabihin, hindi mapaghihiwalay ang pag-ibig sa Diyos at ang pag-ibig sa kapwa. Napakaganda ng ating salitang Filipino para sa neighbor o fellow human being: KAPWA. May isang Pilipinong psychologist, si Virgilio Enriquez, na nagpalalim sa kahulugan ng salitang kapwa sa ating kulturang Pilipino. Ayon sa kanya, sa karaniwang pag-unawa sa kulturang Kanluranin, malinaw ang pagkakaiba ng ako at ng ibang tao. Ako ito, at sinumang taong labas sa akin ay iba sa akin. Pero sa ating pagkaunawang Pilipino, ang kapwa ay hindi lamang ibang tao. Siya ay taong may pagkataong katulad ng sa akin. Magkaiba man kami, may iisang pagkatao kaming pinagsasaluhan. Kaya kapag namulat ako sa katotohanang iyon, hindi ko na siya basta ituturing na ibang tao. Kapwa ko siya. At ang kanyang pagdurusa ay hindi ko na kayang balewalain, dahil may pagkataong nag-uugnay sa aming dalawa. At alam ninyo, mas pinalalalim pa ng ating pananampalatayang Kristiyano ang kahulugan ng kapwa. Sapagkat ayon sa Bibliya, ang tao ay nilikha sa larawan at wangis ng Diyos. Ibig sabihin, ang kapwa ko ay hindi lamang kapwa-tao. Kapwa-larawan din siya ng Diyos. Kaya pala napakahalaga sa ating kulturang Pilipino ang mga pagpapahalagang tulad ng pakikiramdam, malasakit, pakikiramay, pakikisangkot, at pakikiisa. Lahat ng ito ay nakaugat sa pagkilala natin sa ating kapwa. At ang buod ng pagpapakatao para sa atin ay pakikipagkapwa-tao. Paano ko masasabing makatao ako kung hindi ako marunong makipagkapwa-tao? Pero sa liwanag ng ating Ebanghelyo, may mas malalim pang tanong: Paano ko masasabing makadiyos ako kung hindi naman ako makatao? Dito natin makikita kung bakit pinag-ugnay ni Hesus ang dalawang dakilang utos. Hindi maaaring paghiwalayin ang pagiging makadiyos at pagiging makatao. Kung sinasabi kong mahal ko ang Diyos, pero malupit naman ako sa aking kapwa, baka hindi talaga...........