AUGUST 24, 2026 | PAALALA SA PAG-ULAN AT BAGYO
Inday Sara Duterte
0:00 / 0:00
AUGUST 24, 2026 | PAALALA SA PAG-ULAN AT BAGYO
5 546 просмотров · 2 мес. назад
Inday Sara Duterte
212 тыс. подписчиков
5 546 просмотров · 2 мес. назад
Mga Kababayan,
Assalamu Alaykum Warahmatullahi Wabarakatuh.
Madayaw ug maayong adlaw kaninyong tanan. Magandang araw sa inyong lahat.
Ang pinakamabisang panlaban sa anumang kalamidad ay ang ating kahandaan at ang pagsunod sa mga paalala at babala ng mga kinauukulan.
Kahit hindi pa tiyak kung magla-landfall o direktang tatawid sa kalupaan ng Pilipinas ang mga bagyo, ang pagdaan nito sa karagatang malapit sa bansa at ang paghila nito sa Habagat (Southwest Monsoon) ay maaari pa ring magdulot ng malalakas na pag-ulan, malalakas na hangin, at malalaking alon.
Ang malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan ay maaaring magdulot ng:
Pagbaha sa mga mababang lugar
Biglaang pagbaha (flash floods)
Pagguho ng lupa (landslide)
Samantala, ang malakas na hangin ay maaaring magpatumba ng mga puno, poste ng kuryente, at maging ng mahihinang bahagi ng mga bahay at gusali.
Ang pagdaan ng bagyo ay maaari ring magdulot ng malalaking alon at storm surge sa mga baybaying lugar.
Paghahanda laban sa pagbaha at flash flood
1. Alamin ang pinakamalapit na matataas na lugar at mga evacuation site sa inyong komunidad.
2. Ihanda ang mahahalagang dokumento, pera, gamot, flashlight, cellphone, at mga power bank. Ilagay ang mga ito sa waterproof bags.
3. Maghanda ng sapat na damit, malinis na tubig, at pagkain na maaaring dalhin kung kinakailangang lumikas.
4. Siguraduhing may sapat na load at naka-charge ang cellphone at power bank upang magamit sa mga emergency calls at mensahe sa loob ng ilang mga araw.
5. Makipagtulungan sa ipatutupad na preemptive evacuation. Mahalaga ito sa ating kaligtasan. Sa oras ng matinding pagbaha, maaaring hindi agad marating ng mga rescuer ang lahat ng nangangailangan ng tulong.
Mga pag-iingat laban sa landslide
1. Ang tuloy-tuloy na pag-ulan ay nagpapalambot sa lupa. Tandaan na ang pagguho ng lupa ay maaaring mangyari hindi lamang sa mismong araw ng bagyo kundi maging sa mga susunod na araw ng patuloy na pag-ulan.
2. Kung nakatira kayo sa lugar na mataas o may panganib ng landslide, pansamantala munang lumikas patungo sa ligtas na lugar o evacuation center.
Paghahanda laban sa malakas na hangin
1. Itali o siguraduhing nakakabit nang maayos ang lahat ng mga gamit na maaaring tangayin ng hangin, kabilang ang bubong o GI sheets.
2. Putulin o i-trim ang mga sanga ng mga punong maaaring mabali o bumagsak.
3. Ilayo ang mga gamit sa mga pader at bintana at iwasang manatili malapit sa mga ito habang malakas ang hangin.
Mga paalala tungkol sa malalaking alon at storm surge
1. Huwag pumalaot o lumayag sa dagat.
2. Huwag maligo o magsagawa ng anumang aktibidad sa dagat o ilog habang may masamang panahon.
3. Kung nakatira sa baybaying lugar at may utos ng paglikas, agad na lumipat sa evacuation center o ligtas na lugar.
Mga paalala laban sa leptospirosis
Kaakibat ng mga pagbaha tuwing hindi maganda ang panahon ang hindi maiiwasang paglusong sa marumi o di kaya'y kontaminadong tubig, kung saan maaaring makuha ang mga sakit tulad ng leptospirosis.
Kaya, paalala din natin sa lahat: magsuot ng bota bago lumabas. Kung may bukas na sugat o open wound, siguraduhing takpan ito ng waterproof bandage. Hugasan din nang maigi ang katawan gamit ang tubig at sabon.
Agad na bumisita sa health center at magpakonsulta sa doktor upang makahingi ng gamot o, di kaya’y reseta ng gamot.
Sa panahon ng bagyo
Makinig lamang sa mga opisyal na anunsyo at weather updates ng PAGASA at ng inyong lokal na pamahalaan.
Ipagpaliban ang mga hindi kinakailangang biyahe.
Huwag balewalain ang mga babala upang maiwasan ang anumang panganib.
Manalangin sa Diyos para sa Kanyang patnubay at proteksiyon.
Ang maagap na paghahanda ang susi sa kaligtasan ng ating pamilya at komunidad. Manatiling alerto, kalmado, at laging handa.
Shukran
SARA Z. DUTERTE
Vice President of the Philippines