Перейти к содержимому

DIBERSIYON 2 Manuel Ortega Abis

Manuel Abis

0:00 / 0:00

DIBERSIYON 2 Manuel Ortega Abis

4 просмотра · 6 дн. назад
Manuel Abis
1,09 тыс. подписчиков
4 просмотра · 6 дн. назад
DIBERSIYON 2 Manuel Ortega Abis Gabi. Isang gabing mahalumigmig ang hángin at lumalim na ang mga namamagâng mata sa kaiisip ng súliránin, nagpasya akong sa lungsod ay bumabâ upang maibsan sa mga ginigíliw kong libangan ang dalita’t panlalatâ ng lawas. Kailangan ko’y dibersiyón upang manumbalik ang lakas ko ngayón at ang katas na nadarang ng panahón. Habang lulan ng bus at kahit malayò pa ay tanaw na sa karimlan ang lambák ng sarikulay na pagtanglaw; na lalòng nagpasabik sa aking muling pagluwás sa walang-kapanglawang lunan ng halò-halòng paglilibang; at pihadong tambák ng mga bago at kakaibang alíw na hindi ko bibitiwa’t di bibitíw sa akin, hanggang di ako nababalíw sa kaligayahan. Buo ang pagngitîng ako ay pumara’t muntik pang mahúlog sa upuan – nandito na ako! Timpîng tinunghayan noong ako’y pumanáog: ang lungsod. Isang mang-aakit na hindî natutulog at hindi nagpapatúlog. Gigilingan ako’t aawitan nitó, isasandal sa pader, gawa sa bató, sisipsipin nito ang pinakabutó ng aking pagkaburyong; hanggang bumálong ang panibago at kakaibang siglá. Ang lungsod. Isang bathalumang hihílom sa aking nakahahapong pagpapasyá; tagapaghatid ng s’werteng umaálon ng milyon-milyong pangakong dalá-dalá ay biglang-lupa, biglang-bahay, ang biglâng-kinis ng nagayot na, ang biglang-tuwâ sa biglang-yamang piso lamang ang tayâ. Sa paraiso ng bago’t kakaibá, ako’y muling makikipagsapalarán; ubos-biyaya hanggang sa huling bugá’t sa labang duwag lamang ang umaayáw. Sa sabong, tonghits, madyong, huweteng, isáng pisong lalago sa bidyo-karerahán; kaliwa’t kanan dito ang paglilibáng. Sino ba naman ang hindi mahihibáng, mananabik sa s’werteng kaabáng-abáng? Ngunit dahil lagi ring may iba’t bágo sa nakapangyayaring kuta ng sayá, ako’y nalihis at napadpad sa kántong di ako pamilyar at di ko matant’yá kung ito’y pugad ng mga éleméntong binansagan bilang mga itinangwá ng lungsod; na ngayo’y hila ako’t pílit hinihikayat, sinusuyong lumápit, dinggin ang anyayang sa balat ang kápit. “Nais bang mapawi ang puyat at págod – Sa iyong pag-ekstra sa dyipni kanína? Sa magdamag mo na pagronda’t pagtánod? Sa iyong pag-aaral ng medisína? Sa walang pagbabago’t mababang sáhod? Sa iyong mga walang-hanggang probléma? Sa luha’t lumbay na walang humahágod? Sa budhi mong unti-unting inaánod? Nais ba’ng magising kahit walang túlog?” Dahil na rin marahil sa kalungkútan ko’y nanuot itong nakapanlalambót lalo na tinig ng isang bathalúman na halos yapusin akong nakaluhód; at naligaw na ang dating naligáwan. Kiliti ko’y hindi na nakahulagpós. Ako’y pinalibutan ng mga ngiwîng ngiti; sa isip ko’y may dagling tumilî: nanaisin ko pa kayang makauwî? Hermosang tinig ay narinig na namán, mayr’on pang palaman sa unang pagyayà, “Dahil dito ikaw ay dayong palabán, Sige, libre muna! Ako’y may tiwalà! Dahil dito, mas kakaiba’y mas mahál! Dahil dito ang mas bago’y mas sariwà!” At sa isang kisapmata ay hinátak ako sa dilim; inilabas ang pílas ng shabu. Mga ngising-aso’y babátak! Sa isang saglit pa ay aking nariníg ang putok ng baril at aking namálas ang isang multong tumumbang nanginginíg. Ako’y natauhan, nagtangkang tumákas pabalik sa pinagsimulang paglihís; subalit ako’y nasukol na sa bítag. Dito, dibersiyon ay di paglilibáng, kung hindi isang buwayang panlilinláng na uuwia’y matokhang o matimb’wáng. Ang lungsod ay isang halimaw na hindî natutulog at hindi nagpapatúlog. Ang sariling kahayukan ang pangatîng pinapainan ay dugong nilulúmot; nanlilinlang sa kunwariang pagwagî ng sa dusa ay sumuko na’t nalúnod. Sa pagkanta’y gigilingin ako nitó, isasabit sa pader ng drogang bató’t dudurugin nito ang pinakabutó ng aking pagkatao’t pagkakataóng muling makabangon sa isang bangúngot. Ito ba ang hinangad na destinasyón? Kaysa magpalaya’y ito pa’ng gagápos ng liwanag sa aking karimlan ngayón. Dito nagsimula’t dito matatápos kung saan sa dibersiyon ng daánang ako’y naligaw at kusang nagpalígaw – sa lungsod ng nagtansong katahimíkan.